Takot Ka Bang Mamatay?

Isang tanong na simple pero mahirap sagutan.

Ang mga tao sa mundo ay iba-iba ang opinyon batay sa kanilang persepsyon at paniniwala.

Ako? Takot ba akong mamatay?

Dati ang nasasagot ko sa tanong na ito ay hindi. Hindi ako takot mamatay. Ngunit sa isipan ko ayokong mamatay na dumaan sa disgrasya, nagkakalasog lasog ang katawan, natatakot akong may ibang taong magbibihis sa akin, natatakot akong may magkulang sa parte ng katawan ko.

Nakakatawang isipin pero nang ako ay magkaroon na ng mas matinong pag-iisip, napagtanto kong iyong mga sagot ko dati ay purong isip-bata. Walang malalim na dahilan. Yun bang parang nabuhay ka lang na para sa sarili mo.


Sa paglipas ng panahon, tayo ay tumatanda, kasabay ang pagtanda at paglawak ng ating isipan.

Ngayong tinatanong ko ang sarili kung takot ba akong mamatay, nag iba na ang aking sagot. Ang dating hindi, naging "oo". Tama, takot akong mamatay lalo't nakita ko ang halaga ng buhay. Lalo't nakita ko ang halaga ng aking pamilya, ng aking iniibig at ng mga taong nasa aking paligid.

Takot akong mamatay na maiiwan ang aking pamilya na malungkot. Na iwan ang aking iniibig na magluksa at harapin mag isa ang hamon ng buhay, mamatay na walang naiwang masasayang alala at hindi nakaranas ng mga gusto kong gawin sa aking buhay. Takot akong mag-iwan ng mabigat na responsibilidad sa aking pagkawala at mag-iwan ng bigat ng loob sa sinumang aking nagawan ng pagkakasala. Takot akong lumisan na hindi naka ngiti.

Sa kasalukuyan, takot akong mawala na hindi man lang muna natupad ang aking mga pangarap. Lalo na ang pangarap na makasama ang taong minamahal ko ng lubos. Ang pangarap na araw araw ay nagtutulak ng matinding kagustuhan na maisakatuparan.


Maaaring may iilan sa atin ang nagsasabing hindi sila takot mamatay, pero nga lang, walang ni isa ang gustong mauna.


-ACM-

Popular posts from this blog

Lilipad Tayo