Sabi nila kung mahal mo, ipaglaban mo. Pero di nya ako ipinaglaban. Di nya na ba ako mahal? Ang alam ko kasi mahal niya ako o baka ako nalang yung umaasa. Baka hindi ako karapat-dapat ipaglaban.

Sabi nila kung mahal mo, palayain mo. Pinalaya namin ang isa't-isa, baka nga sobrang mahal ko siya at mahal niya ako. O baka hindi na talaga niya ako mahal kaya papalayain na lang. Katulad ng isang ibong inalagaan at minahal ngunit paglipas ng panahon ay kailangan nang palayain mula sa hawlang pinuno ng pagmamahal. Pero mahal ko siya. Pinalaya ko kasi gusto niya. Ayokong ipilit ang sarili ko sa isang taong itinataboy ako o ramdam kong hindi ako ang kailangan niya. Pero mahal ko parin siya.


Kailan ba dapat magmahal na di mo kailangang palayain sya o di mo sya kailangang ipaglaban kasi siya mismo ang lalaban para sayo?
Kailan ba dapat magmahal para masabi mong nakaayon ang oras,lugar,panahon at pagkakataon?

Baka nga hindi lang talaga sapat ang salitang "mahal kita" hindi sapat lalo't kailangan mo siya.

Dahil mahal mo siya, matututo kang maghintay. Maghintay na dumating ang panahong para sa inyo. Hindi mo kailangang hanapin sa iba ang pagmamahal na nakita at naramdaman mo sa kanya. Hindi mo kailangang lumingon sa iba at sabihin sa sarili mong may karapatan ka dahil ika'y kanyang pinalaya. Hindi mo kailangang kalimutan ang mga pangako nyo sa isa't-isa, ang pangako mong siya lang ang mamahalin mo sa habang panahon kahit ano paman ang mangyari.

Pero hanggang kailan? Kailan ka susuko? Kailan ka magtitiwala at aasa sa isang bagay na walang kasiguraduhan?

Madalas kapag nagmamahal kinakaya mo lahat ng pagsubok kahit ikaw na lang itong nagpapakatatag.
Kapag nagmamahal, tinatanggap mo ang nakaraan niya o kahit ang kasalukuyan. Kapag nagmamahal, madalas kahit ang sakit sakit na, hindi ka sumusuko kasi mahal mo siya. Madalas kapag nagmamahal, kahit durog at wasak ka na, pilit kang tumatayo at binubuo ang iyong sarili para na rin sa kanya. Hindi ka napapagod dahil siya ang dahilan kung bakit ka tumatapang at lumalaban.

Madalas kapag nagmamahal, nasasaktan. Kahit mahal nyo ang isa't-isa. Nasasaktan ka kahit na sa konting bagay na namamagitan sa inyo. Kapag hindi ikaw ang kasama nya sa masasayang araw na nabubuhay siya, kapag gusto mong maramdaman ang pagmamahal niya ngunit imposible pa kayong magsama, kapag kailangan mong hintayin ang mga late replies niya sa message mong isang linggo na ang lumipas. Ngunit sa kabila ng lahat, andiyan ka parin. Kasi mahal mo. Kasi sobrang mahal na mahal mo.

Sabi niya makakapagpasaya sakin ang palayain ako, ayaw niya akong makitang nasasaktan dahil sa kanya kaya dapat ay putulin na ang koneksyon namin sa isa't-isa o sa madaling salita, maghiwalay na lang kami.

Ngunit nagkakamali siya. Hindi ako masaya. Hindi ako sasaya sa naging desisyon niya. Paano ako magiging masaya kung di lang rin siya ang kausap ko, ang kapalitan ko ng chats, ang mahal ko, ang minamahal ko. Nagkakamali siya dahil ang totoo, mas nasasaktan ako.

Di ko maamin sa sarili kong wala na siya. Iniwan na ako. Basura na lang ako na ganun na lang itapon. Wala na kami. Hiniwalayan niya ako. Di na ako mahal. Di na ganun. Nangakong di ako iiwanan pero iniwan parin. Sinong di masasaktan ng sobra?

Pero baka balang araw mahanap ko rin ang kapayapaan sa sarili at masabing "tama nga pala siya".

Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo