Paano Ko Sasabihing Mahal Kita


Hindi ko alam kung paano
Ngunit unang tingin ko palang sayo
Nakuha mo kaagad ang puso ko
Posible nga ba ang ganito?


Labis ang aking tuwa nang ika'y makilala
Problema'y di na alam at maalala
Ikaw ang kulay sa mundo ko at musika
Na nagsasabing masarap mabuhay dahil naryan ka


Araw-araw lumalalim ang pagtingin ko sayo
Pag-ibig na nga talaga ang tawag dito
Mahirap man ipaliwanag 'to
Pero alam ko ito ay totoo


Paano ko ba sasabihing mahal kita
Kung higit pa do'n ang aking nadarama
Saan ko ba mahahanap ang kahulugan
Kung ikaw palagi ang laman ng aking puso't isipan


Hindi ko alam kung paano
Landas natin kahit malayo ma'y pinagtagpo
Milya ang inaabot ng aking puso
Nang matagpuan nito ang tahanan sa puso mo


Kay hirap pigilan ng bilis ng tibok ng puso ko
Lalo't palaging sigaw nito ay ang pangalan mo
Nababaliw na nga yata ako
Hinahanap kita lagi sa tabi ko.


Pangarap kita palagi kahit sa panaginip ko
Mukha mo ay laging nagpipinta ng ngiti sa labi ko
Pinuno mo ng kasiyahan ang mundong dati ay magulo
Kaya't labis ang aking pasasalamat sa pagpasok mo


Mahal ko sana'y iyong tandaan
Maghihintay ako sayo kahit kailan man
Abutin man tayo ng daan-daang mga buwan
Pagmamahal ko sa iyo'y walang hanggan.


-ACM-

Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo