Paalam

Ang tulang ito ay alay ko sa mga naiwan ng kanilang minamahal noong August 31,2016, Davao City Bombing. Labis ang aking lungkot nang mabalitaan ko iyon at ang aking pakikidalamhati sa mga naiwan. Minsan naisip ko na paano kung isa ako doon sa mga nasawi? Mawawala nalang ng hindi ko alam kung kailan at biglaan. Nakakalungkot isipin pero iyon ay patunay na hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa atin ngayon, bukas, at sa susunod pang mga bukas. Kaya nararapat lang na pahalagaan natin ang bawat sandali ng ating buhay. Ang mga taong ating minamahal at nagmamahal sa atin. Dapat lang na maging masaya tayo araw-araw dahil di natin alam hanggang saan magtatapos ang ating hiram na buhay sa Panginoon. Haaay :(



Kahapon lamang ay masaya tayong nagmamahalan
Puso nating dalawa ay labis ang tuwa at walang pagsidlan
Kinukuwento mo sa akin ang araw at hapon mo
Pati na rin ang kinain mo na nagpabusog sa'yo

Palagi mong sinasabi sa akin ang iyong mga pangarap
Pangarap na kay tayog at hinihintay mong matupad
Pangarap na pati ako ay iyong sinasama
Magtayo ng bahay at bumuo ng pamilya

Mga simpleng bagay na ginagawa mo ay malaking bagay para sa'kin
Pagkat dala nito ay kulay at saya sa mundo kong iyong inangkin
Nangako sa isa't-isa na lahat ay ating tatahakin
Basta't hawak kamay tayong magkasama habang nililipad ng hangin

Kahapon ay di ko malimot ang ngiti sa iyong mga mata
Nang sinabi ko sa iyo na sobrang mahal na mahal kita
Kahapon ay parang wala nang katapusan
Sapagkat ikaw at ako ay lubos ang kasiyahan

Di ko malaman kung bakit sa atin ito ay nangyari
Di man lamang kita naabutan sa huling sandali
Ika'y nagpaalam nang wala man lang pasabi
Kaya pala kahapon palagi mo akong pinapangiti

Naiinis ako sa aking sarili
Bakit ka pa pinayagan na umalis sandali
Ang sandali palang iyon ay magiging huli
Na ika'y makausap, makita at makatabi

Mahal ikaw ngayon ay nagpaalam
Tatanggapin ko na lamang ang tuluyan mong paglisan
Baon mong pagmamahal ay hindi ko kailanman malilimutan
Pagkat pagmamahal ko sa iyo ay magpakailanman.

-ACM-

Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo