Dati lagi kong naiisip na
"Paano kaya kami maghihiwalay? Sino kaya ang unang bibitaw sa amin? Bakit kaya?"
Yan ang tinatanong ng utak ko. Pero sumasagot din tong puso ko at ang sabi,
"suss. Di kami maghihiwalay. Imposible yun. Mahal namin ang isa't isa.."

Pero yun nga. Posible nga pala talaga lahat. Masakit man ito, o hindi nyo man parehong ginusto. Masakit. Masakit lalo't naghiwalay kayo dahil kailangan. Minsan naisip ko pa na sana iba na lang yung dahilan kung bakit naghiwalay kami, nang sa ganun hindi siya masaktan sa naging desisyon nya. Sana may nagawa akong mali o nasira ko yung tiwala nya para maisip nya na hindi ako karapat dapat para sa kanya at hindi na siya mahirapan pa.

Siguro nga hindi sapat ang mahal nya ako at mahal ko siya. Hindi sapat na parehas kayo ng pangarap sa buhay. Hindi sapat na malaman nyo mismo sa sarili nyo at ramdam nyo pareho sa puso nyo na para kayo sa isa't-isa. Kasi ang totoo, may mga bagay na kahit anong pilit, kung hindi aayon sa tamang lugar, tamang oras at tamang panahon, hindi rin mangyayari.

Sabi nga nila, kung mahal mo palayain mo. Pero paano nga kung sobra mong mahal ang isang tao at hindi mo na nakikita ang sarili mong iba ang iyong kasama? Kasi nga natuto kang mangarap nung nakilala mo siya, natuto kang magmahal ng sobra at magpahalaga. Kahit pa sa pamamagitan lamang ng mga simpleng bagay kayo nag-uugnay.

Paano mo ba malalamang kaya pa? Kaya mong maghintay at wag bumitaw sa pangakong para lamang kayo sa isa't-isa?

Ang hirap palang umibig kung hindi pa panahon para sa mga puso nyo. Minsan talaga tong si Kupido masyadong excited kaya pinana kaagad ang puso ko, ang puso nya. Pero iba din kasi talaga kapag puso na yung tumibok, kapag puso na ang nagpasya, kapag puso na ang makahanap ng kapares nya.

Ang dapat na lang na gawin ko ay maghintay sa tamang panahon. Ang magmahal sa kanya kahit na walang hinihintay na kapalit. Ang mahalin siya kahit hindi ko man siya nakikita araw-araw o nakaka-usap. Hanggang sa napagtanto ko na ang totoong pagmamahal, hindi tumitigil o nababawasan sa paglipas ng panahon, hindi kumukupas kasabay ang pagtuyo ng mga dahon at nahuhulog mula sa puno. Dahil ang totoong pagmamahal, nandito sa puso. Nananatitili, naniniwala at naghihintay.

Kung hindi man kami ngayon, baka bukas.



Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo