Kasi mahal kita

Gusto kong pigilan ka nang sinabi mong aalis ka muna.
Gusto kong magmakaawa na wag mo kong iwan.
Gusto kong ipaalala sayo yung pangako mo na kahit kailan di ka bibitaw.
Gusto kong balewalain ang sinabi mo at sabihin sayo na "susss mahal naman..makakaya natin yan. Matatapos din natin ang problema na sabay nating hinaharap. Lika nga dito, yakap kita ng sobrang mahigpit.."


Pero Hindi..

Hindi ko nagawa.
Hindi ko nagawang ipaglaban ang pag ibig ko.
Hindi ko magawang ipaglaban ang pagmamahalan natin.


Hindi kasi alam ko na sobra na ang pagtitiis mo para sa akin at para satin.
Hindi kasi alam ko na labis ka nang nahihirapan.
Hindi kasi natatakot ako na baka sabihin mong buo na ang desisyon mo.
Hindi kasi takot akong sabihin mo yun ulit at sabihin mong "please, hayaan mo na muna ako"


Sa halip na maging mahina, gusto kong iparamdam sayo na malakas ako at naiintindihan kita. Gusto kong ipaunawa sayo na handa akong maging matapang para suportahan ang desisyon mo kasi alam ko na dun ka magiging masaya.


Ang lupit nga talaga ng buhay. Kung kelan dumating yung taong pinaniniwalaan mong "soulmate" mo o karugtong ng buhay mo, dun pa panahong hindi aayon sa sitwasyon nyo pareho. Siguro ganun talaga lalo't nagmamahal. Matinding pagsubok muna ang pagdadaanan bago mo marating ang rurok ng tagumpay. Bago mo makuha ang pinapangarap mo, dapat ay dadaan ka muna sa di mabilang na pagsubok, pagtitiis at pagsasakripisyo.


Talagang hindi dapat tayo umasa at pangunahan ang buhay kasi di natin alam kung ano ang mangyayari kinabukasan. Di pala dapat ako bumili ng kandila para sa cake na ihahanda ko sa darating na monthsary natin. At ihanda ang silid na paglalapatan ko ng mga dekorasyon para sa surpresang pati ako ay hindi na makapaghintay na makita.


Pero lahat ng yun pala ay dahil sa inunahan ko ang pagkakataon.


Masakit.


Masakit pero kinakaya ko. Masakit pero tatanggapin ko. Tatanggapin ko kahit na mahirap.

Buti na lang pala at ako lang mag isa sa bahay nun. Walang makakarinig sa iyak na kahit kelan sa buhay ko ay hindi pa nangyari, ang iyak na hinahabol ang aking paghinga na parang isang batang iniwan ng ina sa duyan. Walang nakakita sa nag uunahang luhang lumalabas mula sa mga mata ko.

Ang sakit nga pala talaga.


Pero sa kabila ng sakit na yun ay babangon ako. Kasi kailangan ko pang tuparin ang pangako ko sayo na hihintayin kita. Na balang araw sa pagdating mo ay nakatayo na ang bahay na titirhan natin.  Na makita akong nakasuot ng unipormeng pang guro. At kasabay ng pagtupad ng mga pangako ko ay yung tutuparin ko ang mga pangarap natin. Pangarap na nakaukit na saking puso.


Kaya kahit na gaano pa kanipis ng papel na pinanghahawakan ko, kakapit ako. Kakapit ako kasi mahal kita. Mahal na mahal na mahal kita.


Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo