Hindi Lahat

"Maam knows everything" - ito ang sabi ng isang estudyante ko kanina nang tinanong ako ng kaklase nya sa Math.

Naging guro ako sa private school kanina sa Math ng isang araw at ng biglaan. Mabuti na lamang at kahit kaunti ay may alam ako sa asignaturang paborito ko na kinamumuhian ng iba, ang Math, o sa salitang Filipino ay Sipnayan. Natatawa pa nga ako kasi wala ni isa sa kanila ang nakasagot ng tama nang tinanong ko sila kung anong katumbas ng salitang ingles na to sa Filipino.

Napatigil ako ng marinig yun mula sa isang mag aaral ko. Pano ba naman, ang daming tinatanong ng mga kaklase nya at mabuti ay nasagot ko ito lahat. Napangiti ako at bigla nalang lumabas sa bibig ko ang mga katagang "no, not everything.." Mabuti nalang at hindi napansin ng mga bata ang malalim na pinaghugutan ko. Kahit ako ay hindi ko alam bakit naisagot ko iyon kaagad.

Pagkatapos ng sinabi ko ay naramdaman ko na lang ang kalungkutan sa'king puso. Minsan din talaga kinukulit ng puso ang pag iisip kaya nasasabi naman ng bibig ang dikta ng utak ko. "No, not everything". Yun pala ay dahil sa hindi ko naman talaga alam lahat. Kung naiintindihan lang nila sana ang lalim ng hugot na iyon at kung pwede lang sanang magbahagi ng karanasan ko sa pag-ibig, marahil ay mauunawaan nila.

Totoong hindi. Hindi lahat alam ko. Lalo na sa pag-ibig.

Hindi ko alam paano palayain ng tuluyan ang isang taong sobra kong minahal at nag iisang pinangarap kong makasama habambuhay. Hindi ko alam paano magsimula ulit na hindi siya kasama. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng isang pakpak habang nililipad ako sa ulap ng kaligayang magkaroon ng minamahal. Hindi ko alam kung ano ang unang gagawin ko sa umaga at ang huling iisipin ko bago matulog. Yun bang mga magagandang alaala na nagpapangiti kasabay ang luhang papatak sapagkat naaalala mo ang sarap ng aming pagmamahalan? O yung pait ng sinabi niyang lilisan sya? Na nag iwan ng tanong sa isip kung bakit biglang nangyari yun. At di mo namamalayan ay nag uunahan na namang pumapatak ang luha mong tila hindi nauubos.

Hindi ko na alam. Saan ako nagkulang? Saan ako nagkamali? Sa pag-unawa? Sa pagpaparaya? Sa pagpapatunay ng pagmamahal?

Alam ko simula pa lang ay hahantong minsan sa buhay natin ang pumili. At kasabay nga ng pagpiling iyon ay ang pagsakripisyo mo sa isang bagay, gaano man ito kahalaga sayo.

Nakakalungkot isipin na may mga bagay na hindi naaayon sa lahat ng bagay. Hindi tumutugma sa ninanais mong mangyari.

"No, not everything"

Hindi lahat kasi di ko alam ang gagawin ko.
Hindi lahat kasi di ko alam paano maging matapang.
Hindi lahat kasi mismo sa sarili ko, hindi ko alam pano sabihing "wala na siya" "wala na kami"
Hindi lahat kasi hindi ko alam anong tiyak sa kinabukasan.


Naalala ko tuloy ang sabi ng Madre sa simbahan kanina, "dapat ay alam nyo kung paano humingi ng tawad, magpatawad, maging kuntento sa buhay at maging masaya kasi di natin alam kung kailan babawiin ng Diyos ang buhay natin. Maaaring ngayon, mamaya o bukas." Tama nga naman, hindi naman talaga natin alam ang mangyayari bukas at maiksi lang ang buhay kaya dapat kong sabihin sa mga taong mahal ko na mahal ko sila. Dapat ay maging masaya at makuntento.

Kaya siguro, ang dapat na gawin ko na lamang ay maging masaya kahit nawalan ako ng pares ng tsinelas ko, na dapat sana ay kasama kong nilalakbay ang buhay.



ACM

Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo