Bawat araw at gabing dumaraan, di ko maiwasang balikan ang mga masasayang alaalang pinagsaluhan natin sa maikli ngunit mahabang panahong hinding hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko.

Mula sa kung paano at saan tayo nagkilala. Doon nakilala ng isang simpleng ako ang isang prinsesang tulad mo, na sa unang tingin ko ay nabihag kaagad ang puso ko, isang diwatang nagbuga ng paro-paro sa paligid ko at mula sa tiyan ko, na nagbigay ng hindi ordinaryong karanasan at kasiyahan sa buhay ko.

Hindi ko makakalimutan ang kakulitan natin noon, may asaran, may tuksuhan, ngunit higit sa lahat, may tawa at kilig na walang katulad at hindi maikukumpara.

Tahimik ang mundo ko nun at simple ngunit nang dumating ka, naging espesyal at nagkaroon ng kulay, nagkaroon ng kahulugan ang bawat gising ko sa bagong umaga, nagkaroon ng kahulugan ang buhay ko na dati ay nagpapadala lamang ako sa daloy ng tadhanda, natuto akong mangarap dahil sayo, nakita ko ng malinaw ang direksyong gusto kong tahakin. Yun ay mabuhay kasama ka. Kung dati hindi ko nakikita ang sarili kong tumanda, nang makilala kita nangarap ako na pumuti ang buhok, nakasuot ng salamin at humina ang pandinig na ikaw ang kasama at gabay ko.

Bawat gising ko sa umaga may ngiti kaagad sa mukha ko dahil ikaw agad ang naiisip, ang mga pangarap natin, ang pagmamahalan natin. Ni minsan hindi ako nagduda sa nararamdaman ko para sayo, walang pagdadalawang isip at ganun din sa pagmamahal mo para sakin. Ramdam ko sa bawat salita mo ang tunay at sinserong ibig sabihin mo sa salitang "mahal kita".

Kahit na gising ako buong araw ay ikaw ang panaginip ko, ang kasama ko sa aking imahinasyon sa realidad. Kahit ano yung ginagawa ko, nagiging magaan at masaya dahil dala-dala kita palagi sa isip at sa puso ko. Hanggang sa pagtago ng araw at paglabas ng buwan at mga bituin, ikaw ang kasama ko na kahit di ko nakikita sa mga mata ay nararamdaman ko sa aking puso.

Ang sarap bumalik sa nakaraan natin. Ang kahapong bago lang natapos at hindi ako tiyak kung kailan at kung posibleng mangyari ulit. Kay sarap pumasok sa mundong puno ng masasayang alaala. Sa mundong tanging ikaw lang at ako ang may alam. Masaya, simple, puno ng pagmamahal.

Sana kung wala mang bukas para sa atin, para ipagpatuloy ang naudlot nating pag-iibigian, sana maulit muli at magkaroon ng pagkakataon sa susunod na buhay. Sa buhay na kung saan ay hindi na kita kailangang palayain pa, hindi mo na ako kailangang iwan pa, hindi na natin kailangang palayain ang isa't-isa.

Kung kailangan kong magmahal ulit para mapatunayan ang sinabi mong mas masaya ako sa piling ng iba, hindi ko yun magagawa. Kasi alam ko na simula pa lang, sayo lang ako magiging masaya at magiging kumpleto. Alam ko na mas magiging masaya ako kung ikaw ang kasama ko.

Mahal, sa paglipas ng panahon asahan mo na hindi kukupas ang pagmamahal ko na tanging nakalaan para sayo. Hihintayin kita. At kung sa pagdating mo ay may kapiling na akong iba, siguro nainip ako nun at nawalan na ng pag-asa. Pero sana ipaalala mo sakin na ikaw yung tunay na mahal ko.



Sana maayos mo ang mga bagay na dapat mong ayusin habang wala ako. Kung isang araw ayaw mo na palang kumapit sa pangarap natin, sana pumasok ka sa panaginip ko at sabihin mo sakin na hindi na kita dapat hinihintay pa. Doon ko lang malalaman mahal at sisimulan ang buhay ko na kinakalimutan ka.


Mas mabuti nang masaktan kasi ginawa ko lahat kaysa magsisi dahil hindi ko sinubukan at hindi ko ginawa kahit sa huli.




ACM

Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo