Minsan sa sobrang pagmamahal natin sa isang tao, nakakalimot tayo. Nakakalimot tayo na wala na palang "kayo" dahil umaasa ka pa rin na darating ang araw na magsasama kayo habambuhay.

Bawat gising ko sa umaga ay siya agad ang aking naiisip, titingnan kaagad ang phone kung may iniwan ba siyang mensahe para sayo pero kung wala, mapapasabi ka ulit na "ahy oo nga, wala na pala kami". Minsan talaga mahirap tanggapin ang katotohanan lalo't ayaw sumuko ng puso mong mahalin siya. Minsan kahit mismo ang utak mo ay pilit nililimot ang masakit na katotohanan dahil sa paniniwala mong mahal ka niya at ikaw lang ang mamahalin niya.

Hindi ko alam kailan susuko. Hindi ko alam hanggang kailan ko matatanggap na ang dating mundong binuo nyo ay wala na. Ang dating mga nakagawian mo sa paggising at bago matulog ay hindi na katulad ng dati. Hindi ko alam kailan ako aalis sa makulay na mundong kaming dalawa mismo ang nagbigay kulay. Hindi ko alam kailan titigil sa biyahe papuntang walang hanggan na kami mismo ang nakasakay.

"Wala na siya" Yan yung sinasabi ko sa sarili ko na hindi ko masabi kahit kanino. Mahirap pala talaga kapag marami ang nakakaalam sa minamahal mo, kakamustahin kayo, magtatanong ng kahit ano-ano at ikaw naman ay sumasagot na maayos lang lahat sa inyo. Kahit ang totoo ay hindi. Hindi mo masabi. Hindi mo maamin. Kasi hindi mo matanggap.

Pero hanggang kailan?

Hanggang kailan mo magagawang kalimutan muna ang katotohanan at ipapaniwala ang sarili mong parang walang nangyari. Hanggang kailan mo siya tatawaging "mahal" kahit alam mong wala ka nang karapatan sa kanya. Hanggang kailan ka aasa sa reply nya. Hanggang kailan ka mag memessage sa kanya. Hanggang kailan ka kakapit sa tali ng pagmamahal mo sa kanya. Kailan ka susuko?

Popular posts from this blog

Takot Ka Bang Mamatay?

Lilipad Tayo